KALAS GAPOS SA KABABAIHAN AT KABATAAN
Matalino't sensitibong kritisismo susi sa dalisay na pagsugpo ng diskriminasyon. Bakit pa ba mangangaral? Bakit kailangan pang gumawa ng programa? Kung ang mga tao lang din naman ang sakit sa pang-didiskrimina? Ngunit paulit-ulit na ang mga ingay, nakakarindi't nakakasuya. Bilang isang mag-aaral ano nga ba ang magagawa?
Ang pinaka-unang gagawin namin ay ang pag-buo ng magandang pundasyon sa sarili. Maging alerto tayo sa ating mga sarili bago pumuna ng iba. Pakinggan din natin ang mga haka ng iba. Maging bukas tayo sa mga opinyon ng mga kabataan. Ito'y tatawagin naming "Ang Paham na Pakiwari ng Kabataan."
Ang Paham na Pakiwari ng Kabataan:
Ayon kay John Kevin O. Semira, "Bilang isang mamamayan ang maitutulong ko para masugpo ang diskriminasyon at kaharasan sa mga kababaihan at kabataan ay ang pagiging isang mabuting huwaran sa iba. Ipapamalas ko kung gaano kahalaga ang pagrespeto at pantay na pagtrato sa kababaihan at kabataan na katulad ko. Kaakibat nito ang pagbibigay ng mga halimbawa ng panlalait at kahalayan sa mga kababaihan at kabataan at kung paano ito nakakaapekto sa kanila. Gayundin, ang pagiging sensitibo sa mga komento at ginagawa sa harap ng kababaihan at kabataan. Pagbibigay ng suporta sa mga organisasyon at grupo na ang pangunahing layunin ay masugpo ang diskriminasyon at kaharasan sa kababaihan at kabataan. Pagpapakita ng respeto at suporta sa mga kababaihan at kabataan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbibigay ng oportunidad para sa kanila."
Ayon naman kay Ella Siobhain Alocilja, "Bilang isang mamamayan, ang isa sa mga pwede kong magawa ay ang pagpakita ng pagrespeto sa kababaihan at itigil ang pagbibigay ng mga komento o pagkutya na nagdudulot ng diskriminasyon at kaharasan sa kanila at ang pagbabahagi ng kamalayan sa mga isyu ng kababaihan at ng mga bagay na importante upang maipaintindi sa mga tao na mahalaga ang karapatan ng kababaihan.
Isang Click para sa Kaligtasan ng mga KABATAAN at KABABAIHAN
Gagamitan natin ang social media upang sagipin sila sa kaharasan. Ano ba dapat ang mga laman nito? Una, ang mga impormasyon sa mga maaari nilang matakbuhan o masumbungan. Ikalawa, ang pangaral sa mamamayan at pagpapaunawa sa kanila na tayo dapat ang unang maging responsable sa pagtrato nang tama sa kababaihan at kabataan. At ang panghuli, ipamulat na kahit tayo naninirahan sa patriyarkal na bansa ay huwag maduwag sa mga kalalakihan lalo na't kung tayo'y nasa loob ng ating tahanan, turuang lumaban ang mga kababaihan at kabataan. Kailangan nilang matutong tumayo sa kanilang mga sariling paa. Kaya't nararapat na sila ay turuan para ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Naniniwala kami na ang hindi lang dapat pangaralan ang mga tao kundi turuan ding lumaban ang mga naaabuso. Labanan ang kalaban at iwaksi ang karahasan. Kami'y inyong kaagapay; mag-aalis ng piring sa mga mata, makikinig sa ngitngit ng mga babae't kabataan, at ang magbibigay boses sa inyong mga hinain. Makiki-isa't mag-papatayog para sa magandang kritisismo sa mga kababaihan at maging sa mga kabataan. Samahan mo kaming kalasin ang mahigpit na gapos gamit ang sari-sarili nating tuwiran.